Kauna unahang Balay Silangan Center ng bayan
Pinangunahan nina Mayor Francis Fontanilla at PDEA Region 1 Assistant Director Valentin Cariño ang pagpapasinaya sa kauna unahang Balay Silangan Center ng bayan ngayong araw, Mayo 24, 2022.
Ayon kay Mayor Francis, ang pagbubukas ng pasilidad na magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga drug offenders ay pagpapakita ng kagustuhan ng Bayan ng Bacnotan na tulungan ang mga ito na makaahon mula sa masamang bisyo at muling maging kapakipakinabang na bahagi ng lipunan. Aniya, ang proyektong ito ay nagpapakita din na seryoso ang kaniyang administraton na makipagtulungan sa national government upang magbigay pag-asa sa mga kababayang nawala sa landas.
Binati naman ni ARD Cariño si Mayor Francis at sinabi niyang bagamat lahat ng mga barangay ng Bacnotan ay itinuturing na nilang drug-cleared, ang pagpapatayo ng Balay Silangan ay pagpapakita ng pagnanais ng Bacnotan na ipagpatuloy ang kampanya nito kontra sa ipinagbabawal na droga.
Ang Balay Silangan center ay matatagpuan sa ikalawang palapag ng MSDWO Building, katabi ng munispyo. Sa ngayon, maari itong tutuluyan ng hanggang walong katao.
Idinagdag naman ni Vice Mayor Divine Fontanilla na pinaplano ng LGU Bacnotan na magpatayo ng mas malaking pasilidad tulad nito. Naghahanap ngayon ang LGU ng mapagkukunan ng pondo.
Pumirma din ng Manifesto sina LUPPO Dir Jonathan Calixto, DepEd District Supervisor Marciano Orfiano, Social Welfare Officer IV Fe Sarmiento bilang kinatawan ni DSWD Region 1 Director Marie Angela Gopalan, DILG La Union Director Reggie Colisao, lahat ng mga kasapi ng Balay Silangan Advisory Council at ng Local Drug Abuse Council na pareparehong nangakong makikipagtulungan at susuportahan ang proyekto.
Binati rin ni Dir Colisao ang Bacnotan Anti-Drug Abuse Council sa pagiging aktibo nito. Aniya, sa pamantayan ng DILG, “100% functional” ang naturang council sa mahigit tatlong taon na. Hinikayat din niya ang mga partner agencies at publiko na suportahan ang Balay Silangan project dahil sa magandang maidudulot nito sa lipunan.
Ang Balay Silangan ng Bacnotan ay patatakbuhin ng munisipyo sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare & Development Office katuwang ang Municipal Health Office, PDEA, PNP, DepEd, TESDA, BFP at mga kinatawan ng religious sector.
Nakasama din sa inauguration program kanina ang ilang Sangguniang Bayan Members, Department at Units heads, at ilang miyembro ng local media. Si Rev. Father Raul Panay ng St. Michael Archangel Parish ang nanguna sa panalangin at pagbasbas sa mga pasilidades.